Ok, tawagin mo akong crammer, buzzer beater at ano pa mang mga katangiang pinoy na may kinalaman sa last minute na pagrehistro sa comelec upang maging botante sa darating na halalan 2010.
Kasalukuyan akong nakapila ngayon (5.30am, hikab) sa comelec office. Medyo mahaba na ang pila. Pang 19 ako. (Oo, binilang ko talaga kung pang ilan ako).
Kahapon pumunta ako, bandang alas diyes ng umaga, sapagkat matibay ang aking paniniwala na nagbago na ang ating mga kababayan at halos lahat ay nakapagrehistro na at kunti na lang ang mga tulad ko. Nagkamali ako. Mahaba na ang pila sa alas diyes pa lang at mukhang di na bibilis pa sa alas kuwatro ang pagproseso. Di ko na sinubukang bilangin kung ilan na ang nakapila. Height na ng kabaliwan yun. Kinuha ko na, face value, kung ano ang sinabi ng ale na nakaduster at nagtitinda ng bbq, na ang pila ay hanggang pangalawang kanto.
Habang papunta ako sa dulo ng linya at nagdadasal na sana ang mga kanto dito sa may munisipyo ay di kasinghaba ng isang kilometro, nakasalubong ko ang isang taong simbahan, padre, pipila ka, tanong niya. Hindi, manonood ng sine, pabiro kong sagot, minsan lang itong palabas at anim na taong din akong nagtiis. Isa din ako sa mga parang temang na nagbitbit ng plakard noon sa edsa at nangangarap para sa mabuting kinabukasan (di ko maidagdag - ng ating mga anak, pari kasi ako). Ngayon gusto ko namang magkaroon ng say kung sino ang magiging leading lady o leading man (o gay o lesbian, para inclusive) ng ating engrandeng political show. At sana tulad ng nasa pelikula, tunay na ipagtatanggol ng mga bida ang mga karaniwang mamayan handang magtiis ng mahabang pila para bumoto.
Pag ready ka pumila maghapon, pinapakita mo na ganun katindi ang paniniwala mo na walang dayaan mangyayari sa eleksyon at ang boto mo ay maisasama sa bilangan. Pag ready ka pumila ng kusa magdamag, ganun katindi ang paniniwala mo na di mo maipagbibili ang iyong boto. Kung kayang pumila ng walang bayad, kayang bumoto ng walang bayad.
Malayo layo na ang narating ko ng marinig ko ang sinabi ng isa, kanina pa akong alas 7 dito at mukhang di umuusad ang pila. Naykupo. Eh kasi naman, singit ng isa, may mga nagpapalakasan at nauuna pa. Naku, nanggigil na sabi ng isang malusog na ale, subukan lang nila gawin sa harapan ko yan, makakatikim sila! Agree naman tumango ang isang batalyon dala ng 2 jeep na sana, sana, kusang loob, walang bayad at nag uumapaw sa kabutihan na inorganisa ng isang konsehal para magrehistro. Hulog ng langit, nakasalubong ko ang isang aktibo sa simbahan at sa pamahalaan. Padre, kahit hanggang alas 9 ng gabi yan, mukhang bukas ka na matatapos. Teka, gawan natin ng paraan. Tiningnan ako ng masama ng malusog na ale. Mukhang seryoso siya sa sinabing magpapatikim, at kung anuman iyon, wala akong balak manguna sa pila. Kaya pumunta ako sa dulo at doon sumunod ang kakilala, sige, gawan natin ng paraan, akina id mo at hintayin mo ko diyan padz. Pagbalik meron ng form, tinta, sopdrink at sandwich. Grabe, napatingin sa akin ang mga nakapila. Ganito rin kaya pinagdaanan ni Kris Aquino ng magrehistro daw siya sa Makati?
Pagkatapos kong pirmahan ang lahat ng dapat pirmahan at thumbmarkan ang lahat ng dapat thumbmarkan, kinuha ang papeles ko at dinala na sa security officer, nabigyan ako ng number at sa igsang iglap, nilagpasan ko ang mahigit dalawang kanto na pila. Yan ang milagro ng automated registration, este, koneksyon. Habang papalapit ako sa pinto ng comelec, pinigilan ko ang ngumiti na parang nanalo sa lotto at baka dumugin pa ako. Buti na lang. Short lived lang pala ang tuwa ko. Marami pala ang katulad ko. Pang 634 ako. Pang 227 pa lang. Madami pala ang may koneksyon. Mukhang aabutin ng siyam siyam ang binatilyo sa dulo ng pila na wala pang numero. Makakarating pa rin siya sa desk ng comelec officer, sa darating na Oct 30. Baka taong 2010 nga lang.
Balik na lang po kayo mamyang alas sais, sigurado kunti na lang ang nakapila, sabi ng isang tao dun. O, ganun kabilis?!? Di po, pag ganung oras, marami na ang naubusan ng pasensya at padabog na umaalis na lang. Mukhang may pag asa pa ang binatilyo. Kung mahaba pisi niya. Bumalik na lang ako ng 6. Kahit madami na ang nagsialisan, mas madami pa rin talaga pala ang matiyaga. Hinintay kong tawagin ang numero ko. Sa takbo ng buhay, di ko aabutin ang misa at praise and worship sa parokya. Sabi nga ng isang telenovela, may bukas pa. Kaya umalis na lang ako, baon baon ang pangako na pupunta ako kinabukasan ng mas maaga.
Kaya andito na naman ako ngayon. Oo, humaba na ang pila. Unang kanto na at at mag alas 7 pa lang. Di ko na subukang umalis para tingnan at bilangin at baka masingitan pa ako. Binilang ko na lang ulit ang mga nauna sa akin, at eto ang vital statistics- 7 ang binatilyo, 1 nanay, 10 ang dalagita. Tumingin ako sa likod. Mas marami ang kabataan, outnumbered ang mga nanay at tatay. Marami rami ang mukhang magkakaklase at nagkwekwentuhan at nagkakamustahan tungkol sa sembreak nila. Magagaling ang mga kabataan, may nagdala ng upuan, nagbabasa ng diyaryo, nakikinig sa ipod. Productive. May pag-asa pa ang bansa natin, marami pa rin pala ang mga bagong sibol na gustong marinig ang kanilang tinig.
May isang oras pa akong maghihintay. Pero handa akong maghintay at pumila sapagkat maikling panahon lamang eto kumpara sa 6 (o 9) na taong pagtitiis kung di maging maayos ang pagpili at pagboto ng mga taong nanumpa na magiging punong tagapaglingkod. At kung may nais man bumili ng aking boto, kalimutan na nila, baka ako pa mismo magbayad sa kanila para makita lamang silang pumipila kasama ang taumbayan. Makakita lang ako ng isang presidentiable nakalinya maghapon sa init ng araw at nagmemeryenda ng adobong mani para pampalipas gutom, makakita lang ako ng ganung pangitain, baka pag isipan ko na kung iboboto ko siya, makakita lang ako ng ganung kababalaghan sa mundong ibabaw, maituturing ko na ang aking sarili na mas mapalad pa kay Elias na tumanaw sa dakong silangan habang binabawian ng buhay nang di man lang nakita ang pagbubukang-liwayway ng bayang kanyang minamahal.
Tanggap ko na ang katotohanan madami pang aayusin sa ating lipunan. May mga bagay na tinititiis na lang natin at pinagtiyatiyagaan. Pero ito lang ang masasabi ko, sa pagkahaba haba ng pila, kabaliwan na kung gagawing bara bara ang pagsulat sa balota. Sa pagkadami dami ng pinagdaanan, kabaliwan na kung ipagbibili pa ang boto. Hindi mapapantayan ng anumang matatamis na salita at tumataginting na salapi ang oras na ginugol para lamang maging mahalagang bahagi ng pag-usad tungo sa pagbabago. Kung sakaling meron man na magiging tanging kapalit, ito ay walang iba kundi ang paglalagay ng tiwala sa isang taong isinasabuhay ang pangakong serbisyo publiko.