
Pagkalimot.
Isa itong dahilan kung bakit tayo nagkakasala.
“Nakakalimot kasi kami…”
Yan ang isa sa mga maririnig na dahilan ng taong nagkamali…
Katulad ng mga Israelita ng iwanan ni Moises nung siya ay umakyat sa bundok ng Sinai.
Nakalimutan ng mga tao na ang totoong Diyos ang nagligtas at gumagabay sa kanila.
Kaya gumawa sila ng ginintuang baka, isang diyos diyosan.
Gumawa ng mali kasi kinalimutan ang mas mahalaga.
Kaya pag naalala ay nababagabag.
Nakakalimutan dahil di pa ganun kalalim ang ugat, katindi ang kapit, di pa nanuot sa kaloob-looban.
Kaya nga sabi ni Hesus, ang kaharian ng Diyos ay katulad ng butil ng mustasa.
Maliit ngunit pag lubusan ng lumago, di basta basta mabubuwal.
Kaya nga sabi ni Hesus, ang kaharian ng Diyos ay katulad ng libadura.
Mumunti ngunit pag umalsa na, malaki at malasa.
Kaya nga, naisip ko din, ang kaharian ng Diyos ay katulad ng isang hita ng manok.
Pag binabad ng mas matagal sa timpla, mas masarap.
Ganun din sana tayo.
Maging babad sa ating pagsisimba, pagninilay sa salita ng Diyos, paglilingkod sa kapwa.
Magkaugat at kumapit.
Upang hindi makalimot.
Upang hindi malimutan ang Diyos na lagi tayong nasa kanyang alaala.
No comments:
Post a Comment