Sunday, July 26, 2009

"Pwede na Yan"


17th Sunday Ordinary Time
July 26, 2009


Sigurado ako, marami na sa inyo ang nakapanood na at marahil nagustuhan ang commercial tungkol kay Lola Techie.
Ang lolang magaling at mahilig mag-internet at makipagchat.

Isa sa mga taong kinikilala na naging instrumento sa pagbibigay sa halos karamihan ng pagkakataon ma-enjoy ang kagandahan ng internet, chat, email atbp ay si Bill Gates. Isang college drop-out na pinursige ang kanyang passion sa computers. Dahil dito, isa siya sa pinakamayaman sa buong mundo. Umabot ng $48 billion ang kanyang yaman noong 2003, at $58 billion noong 2008. At hindi pa dito kabilang ang kanyang $28 billion na ipinamigay sa charities na isinusulong ang education at health care. Isa sa mga sumuporta at nagbigay ng halos karamihan ng kanyang yaman sa Bill and Melinda Gates foundation ay ang pinakamayaman na tao sa buong mundo, si Warren Buffet, na ang isang binigay na dahilan sa pagbibigay ay para hindi maipahamak ang kanyang mga anak dahil sa sobrang yaman at sinabi nya na “bigyan lamang ang anak ng sapat para magawa nila ang gusto ngunit hindi sobra at wala na silang gagawin.”

Dahil sa mga pagbibigay at pagbabahagi nila, lalo silang hinangaan ng marami at marahil minahal ng mga taong natulungan.
Sabi nga ni Calvin Coolidge, isang dating presidente ng US, “ang tao ay hinahangaan at nirerespeto hindi dahil sa kanyang natanggap o nakalap na yaman. Siya ay hinahangaan dahil sa kanyang ibinigay.”

May isa akong nabasang kwento ng kagandahang loob, hindi siya gaanong kilala ngunit ang kanyang pagbibigay ay tunay na nagmumula sa puso. Siya ay si Elizabeth Elliot. Noong 1950’s sumama siya sa grupo ng mga misyonero na tumungong Ecuador upang turuan ang mga Quichua Indians. Kabilang sa grupo na ito ay isang binatang si Jim na nanliligaw na kay Elizabeth simula pa noong 1947. Habang sila ay nagmimisyon, sila ay nagkatuluyan at ikinasal. Pagkaraan ng 2 taon, nang mayroon na silang anak na babae na sampung buwan pa lamang, si Jim at 4 pang misyonero ay nagpasyang magmisyon sa Auca indians, isang tribu na kilala bilang mababangis. Ang pinakaunang record ng may pumunta sa kanila ay noong 1600 pa, isang pari ay 1600 at ito ay pinaslang. Simula noon, sinumang banyagang pumupunta sa kanila ay sinasaktan. Alam ni Elizabeth na mapanganib ang gagawin ng kayang asawa at mga kapwa misyonero pero matatag ang kayang loob - sila ay nangako na magmimisyon at inilaan nila ang kanilang buhay sa gawaing ito. Sinimulan nila ang kanilang pakay sa pamamagitan ng paghuhulog ng mga kagamitan at pagkain mula sa eroplano ng isang misyonerong piloto. Isinama na din nila ang kanilang mga letrato para pasimulang pagpapakilala. Pagkaraan ng ilang linggo, pumunta na sina Jim sa mga Auca. Tinanggap naman sila ng ilang miyembro ng Auca at sa pagraradyo araw araw ay naikwento nila sa kanilang mga asawa at kasamahan na nagkakaroon sila ng magandang pagkakataon makipag-ugnayan sa mga Auca. Ngunit pagkaraaan ng ilang araw, ay hindi na nakatawag ang mga misyonero. Nag-alala na sina Elizabeth. Natagpuan na lamang ang limang lalaking misyonero na lumulutang sa ilog at may mga tama ng sibat. Kung mahinahina ang loob ni Elizabeth ay bumalik na sana siya sa US sapagkat hindi ganun kadali iwanan ang isang komportableng buhay sa US at lalong hindi ganun kadali ang mawalan ng asawa. Subalit lumitaw ang kagandahang loob niya. Nanatili pa rin siya sa pagmimisyon. At mas nakakaantig sa damdamin, maraming mga misyonero ang hindi pa rin tumigil pumunta sa mga Auca hanggang sa sila ay naging matagumpay makisalamuha. Isa si Elizabeth sa mga nanguna pumunta, hindi upang maghiganti, kundi upang makipanirahan at maglingkod. Sa loob ng 2 taon, nagsilbi siya at marami ang magalak na tinanggap ang salita ng Diyos at sumampalataya - kasama na dito ang 2 sa 7 lalaki na pumatay sa kanyang asawa.

Sa ebanghelyo, pinahayag ni Hesus ang hamon maging mapagbigay. Sinubukan niya si Felipe at Andres at pareho ang sagot nila, puno ng pagtutol at kakulangan ng tiwala - “200 araw ng pasweldo ay kulang pa din, 5 tinapay at 2 isda, pano ito magkasya?”

At ang sagot ni Hesus? - “Pwede na yan.”

“Pwede na yan.”

Para daw makapagbigay ang isang tao, kailangan magiging kontento siya sa anumang meron siya. Maliit man o malaki. Ang taong kontento, kapag bumunot ng wallet at nandun na lamang ay P10, kaya pa ring magsabi, salamat sa Diyos, pwede na to! Kapag bumunot ng wallet at nandun ay P1 milyon, ang sasabihin pa din ay, salamat sa Diyos, pwede na to!

Ang taong hindi kontento ay hindi makapagbibigay - madamot sapagkat gusto pang makakuha ng mas marami. Ang taong di kontento, kapag bumunot ng wallet at nandun na lamang ay P10 ang unang sasabihin, Diyos ko, bakit ganito? Kulang pa to! Kapag bumunot ng wallet at nandun ay P1 milyon, ang sasabihin pa din ay, Diyos ko, bakit ganito? Kulang pa to!

Ipagdasal natin ang ating sarili at ang bawat isa na mabigyan tayo ng biyaya ng Diyos magkaroon ng pusong kontento, mapagbigay at mapagmahal…

No comments: