Monday, August 24, 2009

emergency

Sa sobrang pagod ko dahil sa mga skedyul ng parokya at personal na buhay
Naisipan kong magpahinga.
Pag hapon mo ginawa yun
Tawag dun siesta
Pero simula kasi college ako
Tinanggal ko na ang ugaling pagsisiesta
Isa kasi yun sa mga oras sa seminaryo na kung saan ang karamihan ay nagpapahinga
At pagkakataon ko lasapin ang nakakabinging katahimikan.
Kung minsan nilalagyan ko pa ng mas malalim na kahulugan
Di ako nagsisiesta sapagkat itoy nagmula sa mga kastila
Kaugaliang naipasa sa atin nung tayo ay sakupin.
At kapag ginawa natin ay tumatanaw lamang tayo ng utang na loob
Sa mga taong nilupig ang ating lupang sinilangan.
Tumatanaw naman ako ng utang na loob sa kanila dahil sa Kristianismong dala nila
At kahit na kasama dito ang pagkakaroon ng mga Padre Damaso
Inaamin ko na ang krus na dala ay mas naging mabisa kesa sa espada.
At ng hapon na iyon, ako nga ay nagsiesta.
Di dahil sa tumatanaw ako ng utang na loob.
Pagod lang talaga ako.
At biglang may kumatok.
May tao raw sa baba.
Kaya bumaba ako.
May 2 ale.
Humahangos.
Nakikiusap.
Kung pwede raw pumunta ako.
Emergency.
Pakiramdam ko, doctor ako. Meron maysakit. Naghihingalo. Kailangan ng tulong.
Bakit ho?
May patay ho.
Teka lang.
Ano emergency dun?
Except of course, naiinip na ang patay. O gusto nila buhayin ko agad. Ni sa aking panaginip di ko naisip gawin yun.
Wala po kasi ang pari na kinausap namin, di raw sya pwede.
Kelan po ba ito?
Ngayon na po.
Ay oo nga pala.
Emergency.
Pag sinabi kasi ang salitang yan, ibig sabihin, its a matter of life and death.
Kung sa analohiyang ginamit ko kanina, bilang isang doctor
Kailangan pumunta agad ang manggagamot
Dahil kapag hindi, tigok ang pasyente
Walang tanong tanong
Walang pagdadalawang isip
Punta agad kung hindi yung alive magiging dead.
Pag sa pari naman kasi at patay ang pinag uusapan at sasabihin emergency
Its really not a matter of life and death.
Its a matter of the dead.
Nang pumunta na kami at inaayos ko na ang gamit para sa misa
Nakita ko sa gilid ng aking mga mata ang pamilyang puno ng kalungkutan
At nakita ko na din sa gilid ng aking mga mata
Ang lumisan nilang mahal sa buhay
Lulan pa sa stretcher straight from the hospital
At bago ipasok sa crematorium
Nilagay muna sa harapan ng altar upang misahan.
Tanggal ang natitirang antok ko mula sa attempt ko na magsiesta.
Kailangan harapin ko ang katotohanan.
Di ako pwedeng magmisa ng patagilid at tingnan na lang ang mga magisisimba sa gilid ng aking mga mata.
Baka mas lalong maiyak sila noon. At mainsulto.
Kaya nagmisa na ako.
Alam ko ang mga ganitong sitwasyon, lumilipas din.
Sabi ko ito sa mga kapamilya. At sa aking sarili.
May mga sitwasyon talagang tumatatak sa iyong isip.
Communion time, papunta na ako sa harap
Nakayuko at taimtim na hawak ang katawan ni Kristo
Ng masagi ko ang pumanaw
Nalaglag ang kanyang kamay
Di ko naman magawang hawakan, makipagkamay at magpakilala
Napaka unhygienic nun, eh magpapakomonyun pa ako.
Unang nakapila ang misis
Sa gilid ng aking mga mata napansin ko nakatingin siya sa akin
Tiningnan ko din
Tumingin siya sa malayo
Sa mga attendant doon
At sila ang nagbalik ng kamay na lumaylay
At bumalik na ulit ang sense of normalcy.
Ganun pag emergency
Di mo alam kung ano ang mga mangyayari
Tinatanong nga ako kung bakit sumasama ako sa mga nagmamadali upang puntahan ang patay at basbasan
At ang pabalang kong sagot, ako ang pumupunta kesa ang patay ang pumunta sa akin
Pero ang totoo nyan
Gawain ko bilang pari
Pakikiisa sa mga nagdadalamhati
Sa mga taong naghahanap di lamang ng kasagutan
Sa karanasan ng kawalan
Kundi higit sa lahat
Sa presensya ng Diyos
Na nagbibigay pangako
Ng buhay na walang hanggan
Na kung saan wala ng emergency
At isa sa mga tanging magagawa ko ay makilakbay
Upang magpaalala
Ang Diyos ay palaging kasama natin
Maging trahedya man o kasayahan
Di mo na siya kailangang sabihan pumunta dahil emergency
Kasama natin siya dati pa.

No comments: