Saturday, August 15, 2009

strit mas

Isang beses, naisipan kong maglakad, di lang basta maglakadlakad kundi pumunta sa mga kalye at eskinita ng parokya. Wala lang. Naisip ko lang. Ginagawa ko naman to, lalo na pag may street mass, tulak ang kariton ng Ascension. 
Pero ngayon ibang klaseng street mass ang naisip ko. Wala akong dadalhin kundi makikigamit ng mga kasangkapan ng mga taong aking makakasalamuha at umaasang dun ko na mismo matatagpuan si Hesus. 

Kanta. Puno ng ibat-ibang tunog ang mga kalye at bahay. Halos lahat merong tv. Syempre mas sikat ka pag may videoke ka. Kung wala, pwede naman umupa, mura lang naman, at kung birthday ni junjun, mas masaya ang handaan pag may kantahan. Di gaano mahalaga kung sa tono o sintunado, basta kumanta ka, masaya na ang buong tropa, wag lang My Way ni Frank Sinatra. Kung magaling kang kumanta, may pangalan ka na, at pag ubod ng galing, magsisitanguan pag may nagsabing ka-level mo na si Sarah Geronimo o di kaya Charice Pempengco. At pag may class ka na katulad ni Juday, baka may magsuhestiyon pa na magrecording artist ka na kaya? Kung masikip ang bahay, ilalagay ang videoke sa labas. Masaya ang mga awitin, kahit nga si ate na naglalaba sa tabi, nakikisabay. At palaging bibigyan ng pagkakataon kumanta ang isang batang very promising, baka pag sumikat at tumanaw ng utang na loob, isa ka sa mga unang maambonan o kahit man lang mamention pag guesting niya sa isang noon time show. Palaging aawitin ang mga alam ng kanta, may mga gasgas ng tugtugin pero uulit ulitin pa din, nakakarelate daw kasi. With feelings pa ang pagkanta. Super emote. Basta wag ka lang kumanta na di alam ng iba. Magmumukha kang weird. Tatawagin kang weird. O abnoy. Kaya nga may lyrics sa videoke, para makasabay di lang ang nakatoka kundi pati na rin ang mga nakatunganga. Sa mga tulad ko na di naman marunong kumanta, prinaktis ko na lang at naperfect na ang pagpalakpak ng malakas. Pagdating sa kantahan, no dull moments talaga!

Pagbasa. Bibihira ang makita kong nagbabasa ng pahayagan. Kung meron man, mangilan ngilan. Karamihan, tabloids. Mura na, entertaining pa. Halos lahat marunong magbasa. Yung ibang di marunong, nagpupumilit magbasa, kakainggit kasi makita ang ibang natatawa habang nagbabasa, parang may nagtawanan at di mo maintindihan ang joke, o mas malala, baka ikaw na ang pinagtatawanan. Sa mga di talaga kayang magbasa, pinapabasa at pinapakwento sa iba. Parehas din yun. Kailangan lang, malaki ang tiwala mo sa taga basa na yun talaga ang nakasulat ang binabasa sayo, baka kasi di rin siya marunong magbasa at umiimbento na lang. Ako naman, di ko alam kong matatawa, matutuwa o maiiyak sa mga tabloids na nabasa ko - Lola Pinisak ng Trak. Bata, Pinilahan. Mama, Nabaliw sa Gutom. Presidente, Kumain sa Halagang P1M sa Tate. Buhay ngayon, balita bukas, kasaysayan sa makalawa. Di naman lahat trahedya, may mga mumunting liwanag naman masisilayan na kahit papano nagbibigay ng pag-asa at nagsasabi, oo, may bukas pa. Katulad ng janitor at security guard na binalik sa may-ari ang naiwanang alahas o di kaya dolyares. O ang isang OFW na hinahanap at hinabol ang may-ari ng perang naitapon sa basurahan. Sana nga, ang mga politiko, matutong ibalik ang hindi kanila. Tiyak, headline yun!

Pag-aalay. Mababait ang mga tao. Pag piyesta, kahit malubog sa utang, ok lang, basta may handaan. Ano kami, poor? At kahit sino, welcome, kahit di kakilala, kahit ngayon lang nalaman kamag-anak pala. Pwede pa nga magbalot at mag-uwi, titingnan ka lang naman ng masama. At, anak, wag mong gagalawin yang hita ng manok, kay fader yan! Kahit walang okasyon, pag kumatok ka, papasukin ka, at kahit walang makain, yayakagin ka pa din. Ikaw muna ang papakainin, at ang mga anak ay papaglaruin muna sa kabilang silid. Makita ka lang na busog, busog na rin sila. Mapagbigay ang mga tao, magbibigay talaga basta marunong ka lang humingi, o maglambing. Wag na wag ka lang magnakaw. Tiyak, gulpe ang abot mo. Di ko sinasabing tama. Di ako nananakot. Kinikwento ko lang ang mga nangyayari sa tunay na buhay. Bibigyan ka, basta marunong ka lang humingi, di na kailangan mag 2nd collection, nakakainsulto na yun, sapat ng magbigay ng kusa, bakit may pangalawa pa?!?

Kalis, Alak at Tubig. Fadz, tagay! Parang mahirap yata tumanggi. Nakakahiya. Nakakatakot. Marami na din akong horror stories na narinig tungkol sa mga taong ayaw makitagay. Pero umaayaw pa din ako. Hindi talaga ako umiinom ng hard. Baka kasi di na ako makauwi ng di tinatahi ang kalye. Ano na lang ang sasabihin ng mga nanay nanayan ko? Binigyan ko pa sila ng kahihiyan. Sinumpa ko na kasi ang hard drinks nung high school ako sa seminaryo. Astig ka kasi pag uminom ka, pero pag humiga ka na at sabay ng umikot ang kama at kisame, di bale na lang na di astig. Madalas hard ang inuman sa kalye. Sosi ka pag beer. At mas sosyal ka pag San Mig Light. Kaya gin pomelo kadalasan. Para sa mas matagal tagal na inuman. Ok din ang Red Horse. Matindi ang tama at sipa. Malamang binubuhat ka pag uwi. At di kumpleto ang inuman kung walang kwentuhan. Kailangan kasi may bote sa harapan para may mabuting pag-usapan. Di tulad ng mga kumare, sapat ng maupo sa hagdan at magtanggalan ng kuto, solb na sa palitan ng kuro-kuro tungkol sa latest na telenobela o di kaya showbiz chismax. Pero sa mga kumpare, kahit ano, under the sun, basta sa inuman, pwede pag usapan, politika at isports, kung bakit pwede o hindi pwede na si Pacman ay makikisawsaw pa sa larangan di naman niya linya. Buhay ng may buhay pakikialaman. Wag lang sariling buhay, baka away pa ang kahantungan. Nagagawi din sa usapang relihiyon - lalo na pag may napadaang karosa ng prusisyon, sabay kurus, sabay tanungan kelan huling nagsimba, at pag may nangaral, change topic agad at balik na sa ibang usapan, por exampol, kung sino ang karapat dapat lumaban kay Pacman. Sa boksing ha, di sa kongres. Minsan nagiging mainit ang usapan, dapat may referee lagi o di kaya magaling ka magtime-out at dumeretso na uwi sa bahay. Di naman lahat ng oras, inuman. May mag aalok din ng tubig, o kape. Kadalasan 3 in 1. Matagal na akong di nakatikim ng kapeng bigas, nung bata pa kami, nakatikim na ako nun, masarap, kakaiba, pero ngayon, wala na ata, mas mahal na kasi ang bigas. Masarap makipagkape at makipagkwentuhan, pag ginawa mo yun, tiyak, matagal tagal ang ilalagi mo. Madaming kumustahan at palitan ng opinyon. Ok lang kahit lumamig ang kape, di lang naman kasi inumin yan eh, sawsawan din ng pandesal. Panglinis daw, sa totoo, pangpalambot, pangpalasa. Naalala ko nung seminarista ako at nakitira kami sa Payatas. Unang umaga, bagong gising ako ng inalok ako ng kape. Syempre, umoo ako. Nang mapansin ko, di sila nagkape, kasya lang pala ang pera para sa isang kape lamang, kaya nagtiyaga sila sa mainit na tubig. Simula noon, bawat umaga, pag inalok ako ng kape, ang laging sagot ko, busog pa po ako. Dun ko din nalaman, first hand, na di BLD ang kain, hindi breakfast lunch at dinner. LD lang. Kung minsan, D lang. At walang merienda in between, makipaglaro ka na lang sa kalye. At ang mga binabalewalang parte ay mabenta sapagkat mas mura. Tulad ng ulo ng hipon, buntot ng biik, ulo ng manok (helmet tawag nun ha, meron din adidas, betamax at toknene pero di talaga sila ulam, snak). Damihan mo lang ng sabaw at kanin, sulit na. At kung wala talagang maiulam, sapat na ang de sabog - sabuyan mo ng asin ang kanin, ok ka na. Dun ako nangayayat ng di dahil sa pagdiet. Uulitin ko pa ba? Tiyak. San ka pa makakahanap ng kalis na nag-uumapaw di lang dahil sa biyayang materyal kundi, at higit sa lahat, sa maluwag na pagtanggap at mainit na pag-ibig na bigay?

Tinapay. Pulutan yan brad, di ulam. Yan ang paalala pag inuman. Kailangan pagkasyahin, sipag at tiyaga ang puhunan diyan, galing sa sweldo yan. Kung minsan nga, di bale ng walang pandesal sa almusal basta masarap ang timpla ng sawsawan ng pulutan. Mahal na kasi ang pandesal. Tumaas na ang presyo. Yung ibang panaderya naman, di nagbago ng presyo ng pandesal, binago naman ang laki. Lumiit na siya. Yan ang totoong dagdag bawas. At tanggap na ng karamihan ito, tulad ng pagtanggap natin sa mga nangyayari sa Comelec. Pero mas nakakagalit ito, nasa harapan kasi natin, at kahit anong pagpipiraso mo sa inis, lalamunin pa din. Di na kailangan pangaralan ang bata, ubusin mo yan, madaming nagugutom, kasi alam niya, ang katabi niyang kapatid, mismo ay gutom, at pag nag inarte siya, sa isang iglap, kukunin kaagad ang pagkain inayawan, mabilis pa sa tenkyu. 

Komunyon. Masaya ang salu-salo. Kung walang okasyon, mag-iisip ng dahilan. Minsan tong its. Minsan bingo. At engrande dapat kapag binyagan. Mag-iipon talaga. Kahit kinse anyos na si bunso at di pa talaga nabuhusan ng banal na tubig ng pagbibinyag, ok lang basta mag-iipon muna para may maipaghanda. Kahit libre ang binyag, magastos naman ang handa. At syempre, nakakahiya sa mga ninong at ninang. At mas bongga dapat ang kasalan. Mas matinding pag-iipon. Di baleng may apo na sa tuhod bago makatuntong sa altar. Basta maganda ang suot. At may belo at kordon. At malaki laki ang kandilang sisindihan. Para di mamatay agad. May pamahiin kasi, kung sino ang unang mamatayan ng kandila, siya ang unang mamamatay sa tunay na buhay. Katoliko tayo kaya di tayo naniniwala sa ganun. Pero mabuti na ang nakakasiguro. At kailangan mas madami ang handaan. Ninang ata si konsehala. Baka pumunta pa nga si bays meyor. Inuna pa naman siya sa listahan. Ok lang maihuli na ang ibang ninong at ninang. Back to back naman ang kontrak. Maiintindihan naman nila siguro yun. Masaya talaga pag nagkatipon-tipon. Walang katulad.

Paglisan. Matagal ang paalamanan. Swerte ka na kung makatatlong beses ka lamang ng paalam at makakaalis ka na. Unang paalam ay di hayag. Simpleng pagtingin sa wall clock pero dapat mapansin din nila na pasimple kang tumingin. Pangalawang paalam, di pa din hayag. Titingin sa sariling relo sabay iling. Kailangan simple pa din, at kailangan, pansin pa rin nila. Ba’t kaya tayo ganun? Ang hirap magsabi ng harap-harapan. Pero pag nakatalikod na ang tao saka na sasabihin ang lahat at wala namang nakikinig maliban kay Inday at Bantay. Kaya sa pangatlong paalam, saka na tatayo at magpapaalam. Op korz, pipigilan at sasabihin, mamaya na lang, di kailangan magmadali, nag-eenjoy ka naman di ba? Kaya uupo ulit. At uulitin ang step 1 to 3. At pagkaraan ng ilang sandali, saka na talaga magkakaroon ng lakas ng loob magpaalam at magsimulang pumunta sa pinto. Pag malakas ang convincing power ng maybahay, balik ka ulit sa upuan. At balik ka ulit sa step 1 to 3. Anyhow, pag totoong nakalapit ka na sa pinto, paalamanan at kwentuhan ulit yun. At sisiguraduhin mo ng wag magpapapilit bumalik sa step 1 to 3. Ok ka na pag nakalabas na ng pinto. Panibagong round ng paalaman at kwentuhan na naman. At kung malayo layo ang gate, kung may gate, kwentuhan at paalamanan habang naglalakad. At mauulit na naman ang eksena sa may pinto ng gate at sa may labas ng gate. At syempre, sigurado ka, di ka na pipilitin at di ka na papipilit bumalik pa ulit at ulitin na naman ang buong proseso. Di na nakakatuwa yun. Ganyan tayo magpaalam. Ang hirap magpaalam. Pero bahagi yan ng pag alis. Kasi bisita ka. Kasi di ka naman titira dun sa kanila. Di mo naman balak yun di ba? Ibang usapan na yun pag ganun. 

Sutana. Sabi sa liturhiya, ang sutana, o ang alba, strictly speaking, ika nga ng aking propesor, ay pagsimbolo ng pag-ibig ng Diyos na bumabalot sa sa atin. Hirap akong ipaliwanag yun sa bata, na natatawang nakatingin sa akin pag ako ay nakasutana, parang duster daw kasi na suot ng nanay niya. Ba’t kasi naisipan pa ng Diyos na ambonan ang ilang bata ng likas na kapilyuhan? Anyhow, may kanya-kanya tayong kasuutan, nagiging bahagi ito ng identity natin. Kaya may mga taong suot hiphop, yung iba naman rakista, at nagbabatuhan dahil sa itsura. Yan ang mas matinding hamon, kung paano ipapaliwanag na ang kasuutan ay pagsisimbolo ng pag-ibig ng Diyos na bumabalot sa atin. How how the kalabaw kaya, ika nga ng isang bata?

Masaya sa parokya. Makikita mo na ang tao, sa kabila ng kahirapan, makukuha pa ring ngumiti, sa kabila ng pighati, makukuha pa ring umawit, sa kabila ng kasalatan, makukuha pa ring magbahagi. Alam din naman natin na sa likod ng matunog na tawa ng isang tatay ay isang taong sugatan sa buhay, na sa likod ng mahigpit na yakap ng isang nanay ay isang taong nakaranas ng maraming pagtalikod, na sa likod ng mataas na lundag ng isang bata ay isang taong mapapaluhod din ng pait ng tadhana. Alam natin sapagkat di na natin kailangang lumayo pa, kailangan lang nating tumingin sa salamin. At kung bakit nakukuha pa rin nating magmisa - sa simbahan sa parokya o di kaya sa kalye ng buhay ay dahil alam natin, di tayo nag-iisa, na merong nakikilakbay sa atin, na sa bigat ng ating mga dalahin, siya mismo ang unang pumapasan, na sa lungkot ng ating mga nadarama, siya mismo ang unang napapaiyak, na sa kasayahan ng ating mga pagdiriwang, siya mismo ang nangungunang magpapadami ng masarap at matamis na alak. Di tayo nag-iisa, kaya tayo nagmimisa. 

No comments: