Wednesday, August 19, 2009

haus 2 haus

Nag-ikot kami kagabi sa mga bahay bahay para personal na anyayahan ang mga prospective participants sa darating na Marriage Encounter Week-end.
Ang strategy, two pronged - binisita na sila ng mga community leaders at mga sponsoring couples ng Marriage Encounter para plantsahin na kumbaga para pagpunta ko, tiklop na agad sila.
Sinimulan namin ang pag-iikot pagkatapos ng misa sa gabi at pagkahapunan.
25 couples ang bibisitahin.
Parang madami.
Parang nakakapagod.
Iniisip ko na lang, isi sales talk ko sila na umatend.
Maglalako ako.
At si Lord ang produkto ko.
At General Manager.
Sana matuwa siya sa output ko.
Iniisip ko na lang ang iba pang mga maglalako.
Katulad ng nagbibenta ng taho.
Malamang di lamang 25 na bahay ang bibisitahin niya.
Kasi pag inisip niya agad ang dami at ang pagod - wala siyang kikitain.
Baka kulang pa perang kinita pampamasahe pauwi.
Maglalakad na naman siya pauwi bitbit ang lagayan ng taho.
Yun na lang iniisip ko, mga katulad ni mamang magtataho.
At bakit ba naman makukuha kung magreklamo eh ako naman ang nagkagusto nito?
At wala naman akong bitbit kundi listahan ng mga pangalan.
Unang bahay na pinuntahan namin, tumanggi agad.
Magandang pangitain.
Nagsisimula pa lang ako magsalita, sinagot na agad ako, di pwede, may trabaho.
Ok po. Maraming salamat!
Paalis na kami ng biglang nagpahabol ang isa sa mga kasamahan ko.
Si fader na nga pumunta, aayaw ayaw pa kayo diyan.
Eh bakit sino nagsabi pumunta siya dito?
Nakupo, mapapaaway pa ata kami.
Liko na agad ako sa kabilang eskinita, mahirap na.
Sunod na bahay na pinuntahan namin, biglang may dumambang aso,
Talagang walang atubili sa kanyang intensyon sakmalin ako.
Muntik na akong mapasigaw.
May phobia ako sa mga asong askal na mukhang loaded sa rabies.
Wag po kayong mag-alala fader, sabi ng kasamahan ko, nakatali po naman ang aso, sabay hawak sa braso ko at punta sa likuran ko.
Umayaw din ang maybahay. May trabaho si mister. Katunayan nga nasa construction site pa siya.
Pangatlong bahay, medyo malayo ang pinto at kailangang dumaan sa masikip na daan.
Sinabihan ko na ang isa sa mga kasamahan ko, mauna ka na.
Sabi ng isang bata sa may tindahan, wag ho kayong mag-alala fader, wala na pong aso diyan.
Namatay na.
Kinagat ng daga.
Kinagat ng daga!
Di ko na alam kung matatawa o matatakot.
Saan ka nakakita ng asong kinagat ng daga?
Pang Guiness.
Sana di kasinglaki ni Godzilla ang daga.
Pero mukhang mas malaki pa ang mga hinaharap kung hamon.
Tumanggi na naman. Trabaho ulit ang dahilan.
Pang-apat na bahay, rejection ulit. Trabaho din.
Habang hinihila ko ang aking mga paang kasalukuyan ay nagiging kasing bigat na ng tingga patungo sa panglimang bahay, naisip ko, kailangan kong magpalit ng strategy.
Naglaro ako sa umaga ng tennis at sa loob ng isang oras di ko naramdaman ang pagod.
Ngayon, ten minutes pa lang, damang dama ko na ang bigat ng mundo.
Pero may pakinabang din pala ang tennis, pag natatalo ka na, kailangan change strategy.
Kung hindi, love set ka. Zero. Bokya.
Kaya pagpasok sa bahay, kwentuhan agad.
Naku, bagong opera si misis. Nakasaklay pa.
Tatanggalin ang bakal sa binti. Tinaas pa nga ang duster para ipakita sa akin ang humihilom na sugat.
Umurong bigla ang dila ko.
Pero naisip ko ang tennis analogy ko.
Kailangan umiskor.
Inanyayahan ko na siya sa Marriage Encounter. Week end retreat para sa mga mag-asawa. Napakagandang experience. Isa sa mga pinaka the best na maaring ibigay na regalo sa inyong pinakamamahal. At walang kailangan dalhin, sarili lang. Gamit, pagkain, atbp, ay libre. Di ho kayo magsisi na umatend nito. Napakagandang karanasan. Mapapalapit ka talaga sa Diyos.
Pumayag. Kaya lang pwede bang dalhin ang anak niya? Wala kasing mapag iwanan.
Sabi ko, op korz. May mga taong magbabantay at makikipaglaro sa kanila.
At agad tumakbo utak ko kung paano mag put up ng Day Care habang may Marriage Encounter.
Kung ganun, maasahan niyo po ang aking pagpunta.
Yes! Sabay, mentally, pump ng fist! 1 point!
Score: 1-4.
Bumalik na ang sigla ko at ng aking mga kasamahan.
Natapos kami bandang alas diyes.
Patulog na ang huling binisita namin.
Pumayag agad.
Di na kami pumunta sa iba pang nirerekomenda.
Parang mahirap na kasi.
Mangimbita na ka lang daw sa lasing, wag lang sa bagong gising.
Let’s call it a night.
Score: 16-9.
Not bad.
Sana pagreport ko sa aking General Manager, matuwa siya sa sales ko.
At di ako sisantehin.
At next time, sana, panalo ulit.

No comments: