Sa limang taon ko ng pagpapari
Marami rami na rin akong namisahang patay.
At halos lahat mararamdaman mo talaga ang kalungkutan sanhi ng pagpanaw.
Maging bagong panganak na sanggol o di kaya may edad ng kapamilya
Nandun pa din ang pighati
At ibat ibang paraan ng pagpapahayag.
Mababakas sa mukha
Makikita sa pangingilid ng luha
O kaya sa malakas na pag atungal.
Meron na akong napuntahan isang beses
Sinusubukan ipakita ang lungkot pero nag-uumalpas pa din ang ngiti.
At di ko mapigilang magtanong, mukhang masaya po kayo?
Kasi po pinamanahan ako ng milyon milyon.
Gayunpaman, may kalungkutan pa din.
May napuntahan nga ako
Naglulupasay pa sa kabaong
At pinipigilan ang lumisan na umalis
At kung minsan nakikiusap kung pwede pati siya isama na din
May mga nababaliw nga talaga dala ng matinding dalamhati.
Nalulungkot tayo sapagkat tayo ay namatayan.
Isang emosyon na normal na nararamdaman sa ganitong okasyon.
At kung bakit tayo nagmimisa eh hindi para sabihin wag malungkot
Kung hindi para bigyan tayo ng pangtapat sa lungkot
Ang presensya ni Hesus na nakapako sa krus
Nakikiisa sa ating karanasan
At nagpapahayag
Ang buhay ay di nagtatapos sa kamatayan
Kundi sa buhay na walang hanggan.
At eto nawa ang panghawakan natin
Upang di tayo tuluyang matalo ng pighati
Na sa kabila ng dalamhati ay may mag uumalpas pa ding ngiti
Di dahil tayo ay nagmana ng milyon milyon
Kung hindi dahil umaasa tayo na ang ating mahal na kapatid ay magmamana ng higit pa dun
Ng biyayang makasama ang Diyos habambuhay…
No comments:
Post a Comment